November 24, 2024

P292K shabu nasabat sa buy bust sa Malabon, 2 tiklo

TINATAYANG halos P.3 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos masakote sa buy bust operation sa Malabon City.

Kinilala ni PLt. Col. Renato Castillo, hepe ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) ang naarestong mga suspek bilang sina Khurt Esteven Ramos, 22 ng Barangay Sipac Almacen, Lungsod ng Navotas at Racquel Almasan, 56 ng Barangay Gen T. De Leon, Lungsod ng Valenzuela.

Ayon kay Castillo, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng DDEU ang buy bust operation sa Pampano St., Barangay Longos, Malabon City kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek P2,500 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay agad silang dinakma ng mga operatiba.

Nasamsam sa mga suspek ang humigi’t kumulang 43 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php 292,400.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at dalawang pirasong P1,000 boodle money, cellphone at pouch.

Kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II, R.A 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.