January 23, 2025

P267K marijuana, nasabat sa HVI drug suspect sa Valenzuela

KALABOSO ang isang drug suspect na itinuturing High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng marijuana nang maaresto sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Sabado ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang naarestong suspek na si alyas “Choy”, 35, online seller at residente ng Brgy. Ugong.

Ayon kay Col. Cayaban, dakong 4:50 ng madaling araw nang maaresto ang suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Joan Dorado sa B. Juan St., Brgy. Ugong, matapos umanong bintahan ng marijuana ang isang pulis na nagpanggap na  buyer.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 2,226 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P267,120.00, buy bust money na isang P500 bill at 12-pirasong P1,000 boodle money, P140 recovered money, itim na bag pack, pulang eco bag, cellphone at digital weighing scale.

Sinabi ni Capt. Dorado na bago ang pagkakaaresto sa suspek ay unang nakatanggap ng impormasyon ang kanyang mga tauhan hinggil sa umano’y ilegal drug activities nito kaya agad siyang bumuo ng team sa pangunguna ni P/Lt. Johnny Llave saka ikinasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Choy.

Ani SDEU investigator PMSg Carlito Nerit Jr., kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.