December 26, 2024

P20 NA BARYA IBINEBENTA SA ONLINE SA HALAGANG P500 (BSP nagbabala)

Muling inalerto ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko kaugnay sa mga binebentang “Brillian Uncirculated 20-Piso” coin sa online.

Sa isang advisory sa pamamagitan ng social media, sinabi ng central bank na hindi sila naglalabas ng naturang uri ng P20 na barya at pinag-iingat ang lahat sa pagbili nito.

Paliwanag ng ahensya, ang New Generation Currency (NCC) na baryang P20 ang maaaring gamitin ng publiko, na unang inilabas noong 2019.

“Ito ay legal tender at maaaring magamit na pambayad sa araw-araw,” lahad ng BSP.

Noong 2020 pa nauso ang bentahan ng ’20 Piso 2019 New Generation Currency (Brilliant Uncirculated)’, na ipino-post sa sikat na online selling platform.

Tinanggal na ito sa ilang online selling site, ngunit kung ise-search ang tungkol dito ay may ilan pa ring nagbebenta ng naturang barya, kung saan ang pinakamataas na presyo ay nasa P500.