January 19, 2025

P160.3-M SMUGGLED NA SIGARILYO NASABAT SA TAWI-TAWI

Mahigit P160 milyong halaga ng mga hinihinalang ismagel na sigarilyo ang naharang ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) Port of Zamboanga at Philippine Navy sa katubigan ng Baturapac Island, Tandubas, Tawi-Tawi nito lamang nakaraang Linggo.

Nabatid sa BOC, isang intelligence report mula sa BOC-Intelligence Group (BOC-IG) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Port of Zamboanga ang nagresulta sa pagkakaharang sa isang bangkang de-motor na may markang “MB INDAH NADZ,” at may kargang 2,798 master case ng “Oakley Original” brand cigarettes.

Ayon sa BOC, 12 tripulante na sakay ng bangkang de-motor ang hindi nakapagpakita ng mga kaukulang dokumento para patunayan ang regularidad ng pag-import ng mga umano’y ismagel na sigarilyo.

Matapos magsagawa ng imbentaryo, ang mga nasabing sigarilyo ay inimbak sa ZC Paperline & Computer Stationers Warehouse sa Barangay Tetuan, Zamboanga City, para sa pag-iingat habang nakabinbin ang seizure and forfeiture proceedings nito.

Ang mga master case ng sigarilyo ay nasamsam dahil sa paglabag sa Section 117 na may kaugnayan sa Section 1113 ng Republic Act (RA) No. 10863, o ang “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016, at Executive Order No. 245 na pinamagatang “Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco Products.”

Maglalabas ng warrant of seizure at detention laban sa mga nasamsam na master cases ng sigarilyo si Port of Zamboanga Acting District Collector, Engr. Arthur G. Sevilla, Jr.