November 2, 2024

HIGIT P10M SHABU NASAMSAM SA CALOOCAN

TINATAYANG mahigit P10 milyon halaga ng shabu ang nasabat sa isang babaeng high value individual (HVI) matapos maaresto sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng umaga 

Pinuri ni Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz si Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, sa matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang HVI na kinilala bilang si Zaida Amod, 45 ng Phase 12 Barangay 188 Tala, ng lungsod.

Ayon kay Col. Mina, dakong alas-8 ng umaga nang magsagawa ang pinagsanib na pwersa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police at 6th MFC RMFB-NCRPO ng buy-bust operation sa Phase12, Brgy. 188, Tala kung saan isang pulis na umakto bilang poseur buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P140,000 halaga ng shabu.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang medium knot tied transparent plastic bag ng hinihinalang shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 1,600 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P10,880,000, at buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 139 pirasong P1,000 boodle money.

Nahaharap ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa  R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2022.