November 24, 2024

P10-K ALLOWANCE SA PUBLIC TEACHER, LUSOT NA SA SENADO


APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang isang panukala na nagdadagdag sa teaching supplies allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan hanggang sa P10,000 sa susunod na apat na taon.

Sa kasalukuyan, P3,500 lamang ang supply allowance ng mga public school teacher o P16 kada araw, ayon kay Sen.  Ramon “Bong” Revilla Jr, ang nag-sponsor sa panukalang batas.

“Nagbago na ang modalities ng pagtuturo dahil sa pandemiya. Kailangan nating armasan at bigyan ng tamang kagamitan sa pagtuturo ang ating mga guro,”  saad niya.

Aniya pa, kapag nilagdaan na bilang batas ang Senate Bill No. 1092 o Teaching Supplies Allowance Act of 2020, mahigit 800,000 guro ang makikinabang dito.

Sa ilalim ng panukala, bawat classroom teacher ay tatanggap ng P5,000 para sa school year 2021-2022 at 2022-2023. Itataas ang kanilang allowance sa P7,500 pagsapit ng school year 2023-2024 at P10,000 naman para sa 2024 -2025 sa mga susunod pang mga school year.


Nakasaad sa panukala na ang Department of Education (DepEd) ang magsasagawa na period review at magrerekomenda na kinakailangang dagdag batay sa kasalukuyang presyo ng mga materyales.

“The amount necessary for the grant of teaching supplies allowance per teacher shall be charged against the appropriations of the DepEd under the General Appropriations Act (GAA),” paliwanag ni Revilla.