Binatikos ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang malinaw na walang-saysay na ₱0.20/litro rollback sa presyo ng gasolina at diesel, at P0.50/litrong rollback sa presyo ng kerosene.
Anila, isa itong malaking insulto sa masang maralita.
“Wala itong epekto sa pagtugon sa lumiliit na kita ng mga drayber at opereytor sa bansa,” ayon kay Mody Floranda, pambansang pangulo ng Piston. Pagdidiin ng grupo, napakalayo ng rolbak sa itinaas ng presyo ng petrolyo sa nagdaang mga linggo.
Sa loob ng sunud-sunod na 11 linggo, tumaas nang ₱17.30 at ₱15.95 kada litro ang diesel at kerosene, habang ang gasolina ay tuluy-tuloy na nagtaas nang ₱11.85 kada litro sa nagdaang 10 linggo. Naitala naman ang netong pagtaas na ₱17.50 kada litro sa gasolina, ₱13.6 kada litro sa diesel at ₱9.94 kada litro sa kerosene simula nang magbukas ang taon.
Giit ng Piston, dapat ibasura ng gubyerno ang Oil Deregulation Law (ODL) na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga ganid na kumpanya ng langis na itaas nang itaas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Anila, ang batas na ito ang numero unong nagpapahintulot sa mga kumpanya ng langis na tumabo ng bilyun-bilyong kita sa pagpapataw ng labis-labis sa kapinsalaan sa mga Pilipinong nagdurusa sa napakataas na presyo ng langis.
“Hindi kami titigil na ipanawagan ang pagbabasura sa batas sa deregulasyon, at ang paggigiit sa gobyerno na gumawa ng hakbang para protektahan ang mamamayan mula sa napakatataas na presyo ng langis,” pagtatapos ni Floranda.
More Stories
1ST SOUTHEAST ASIA SUDOKWAN C’SHIP IHU-HÒST NG PILIPINAS
US MAGBIBIGAY NG $1-M PARA SA PEPITO VICTIMS
3 SOKOR FUGITIVES NASUKOL NG BI