November 11, 2024

OVERSTAYING NA NIGERIAN KINUWELYUHAN NG BI

Dinakip ng mga ahente ng Bureau of Immigration ang isang overstaying na Nigerian national na kasama sa wanted list ng bureau nang mahigit isang taon.

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang 32-anyos na dayuhan na si Felix Briggs, na dinampot kamakailan lang sa isang condominium sa Pasig City ng mga ahente ng intelligence division ng bureau.

Ayon kay Tansingco, inaresto si Brigss 15 buwan ang nakalilipas nang ipag-utos ng BI board of commissioners ang pagpapalayas sa kanya sa Pilipinas dahil sa pagiging overstaying.

“We call on other foreigners who are wanted for deportation by our bureau.  Stop hiding because the long arm of the law will catch you sooner or later,” ayon sa BI chief.

Napag-alaman na armado ang mga arresting agent ng warrant of deportation na inilabas ni Tansingco alinsunod sa summary deportation order ng BI na inisyu laban kay Briggs na may petsang Disyembre 21, 2021.

Nakasaad sa deportation order na awtomatikong isasama sa blacklist list ang nasabing dayuhan kung saan hindi na maaari pa itong makabalik ng Pilipinas.

Sinabi ni Tansingco na agad na ipapa-deport si Briggs sa sandaling makakuha ng clearances sa kanyang deportation mula sa National Bureau of Investigation (NBI).