September 19, 2024

Operation supervisor utas sa killer truck

PATAY ang isang 35-anyos na operation supervisor ng Manila North Harbor matapos makasalpukan ng kanyang minamanehong motorsiklo ang isang trailer truck sa Malabon City, Miyerkules ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay si Andy Atienza ng 1108 New Antipolo, Tondo, Manila sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan matapos isugod ng Malabon Rescue Team sa Ospital ng Malabon habang ang driver ng trailer truck (AAN-1815) na nakilalang si Antonio Lantaca, 53 ng Gozon Compound, Brgy. Tonsuya, Malabon ay kusang loob na sumuko sa pulisya matapos ang insidente.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, dakong alas-8:52 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng C-4 Road at Gen. Borromeo St., Brgy. Longos.

Sa footage na naka-record sa close circuit television (CCTV) camera na nakakabit sa Malabon city hall command center, sakay ang biktima ng isang Yamaha Mio motorcycle habang mabilis na binabagtas ang kahabaan ng C-4 Road patungong Navotas area samantalang patungo naman ang trailer truck sa Caloocan City area.

Pagsapit sa kanto ng Borromeo St., nasakop ng biktima ang kabilang linya at sumalpok ito sa trailer truck na galing naman sa kabilang deriksyon. Kasong reckless imprudence resulting in homicide ang isinampa ng pulisya kontra kay Lantaca sa Malabon City Prosecutor’s Office.