Patuloy na namamayagpag ngayon ang ‘online sabong’ subalit tila hindi nalalaman ng ating mga matatapang at magigiting ng mga awtoridad sa gitna ng nararanasan nating pandemya at sunod-sunod na bagyo.
Sa bibig na nga mismo ni Presidential Spokesperson Harry Roque nanggaling na illegal ang nasabing sugal.
Ayon kay Roque, nagpasaklolo na raw si Chairman Andrea Domingo ng tulong sa National Bureau of Investigation para mapahinto itong mga nagpapatakbo ng online sabong na namamayagpag sa Metro Manila, sa southern at northern Luzon.
Ang tanong, kung illegal e bakit nga namamayagpag?
Kamusta na kaya ang isinasagawang pag-iimbestiga ng NBI? May nangyari na kaya?
Mahirap ding paniwalaan na walang alam dito ang ating kapulisan at local government unit dahil batid naman ng lahat na matindi ang pang-amoy ng mga ito kapag may ilegal na aktibidad na nagaganap sa kanilang nasasakupan.
Ang ibig nating sabihin, mukhang may nangyayaring cashunduan sa pagitan ng mga ilegalista, awtodidad at ilang law enforcers agency dito sa online sabong?!
Kung mali ang aking hinala, bakit patuloy itong namamayagpag at hindi maipahinto-hinto?
Klaro naman ang sabi ni Spox Roque na illegal ang online sabong. Naloko na!
Alam kaya ng mga awtoridad na karamihan sa mga nabibiktima ng online sabong na ito ay ang ating mga bayaning overseas Filipino workers at iba pa nating kababayan?
Hindi mailalayo ang sugal na ito sa Philippine offshores gaming operations (POGO) na kahit saan man sulok sila naroon ay puwedeng mag-online sabong. Mabilis lang magbayad ng taya sa PayPal, GCash o PayMaya. May mga “teller” din kung tawagin ang online sabong na ito na siyang kukuha ng taya ng mahihilig sa sugal.
Ganyan kabilis ang operation ng online sabong.
E anong palang ginagawa ng cyber crime units ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at NBI? Bakit tila patulog-tulog sila sa pansitan? Hindi kaya ‘tongpats’ din kayo?! Nagtatanong lang po.
Huwag ninyo hayaang mamayapag ang online sabong ni alyas “Tong-A” na nakabase sa Lungsod ng Maynila.
Kaya nga ngingisi-ngisi lang si alyas Mr. Tong A., kapag napag-uusapan ang ‘online sabong.’
‘Yung ngising para bang sinasabi ni alyas Tong A. na: “Sige nga patunayan ninyong ako ang operator ng online sabong?”
Huwag kami Tong-A, alam naman ng lahat na ikaw lang pupuwedeng gumawa niyan dahil sa lakas ng impluwensiya mo kaya mistulang “nakagapos” ang kamay ng mga tauhan ng CIDG, NBI at PNP.
Mantakin ninyo kahit pandemya at bagyo ay hindi kayang tibagin ang “online sabong” ni Tong-A. Nalintikan na!
Pero ngayong si P/M Gen. Debold Sinas na ang bagong chief ng Philippine National Police (PNP), mamayagpag pa kaya ang online sabong ni alyas Tong-A o ‘nganga’ rin tulad ng mga nauna? Abangan!
More Stories
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!
‘PASINGAW’ NG LPG NI ‘ERIC’ SA TIAONG, QUEZON WALANG SINASANTO AT WALANG KINAKATAKUTAN
LANDBANK INUPAKAN SA MALIIT NA PAUTANG SA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT P3.6-B UTANG NG MARIKINA