October 19, 2024

Online delivery rider, patay sa pamamaril ng criminology student sa Caloocan

PATULOY ngayon hinahanting ng pulisya ang isang criminology student na bumaril at nakapatay sa 19-anyos na online delivery rider Lunes ng gabi sa Caloocan City.

Kaagad binawian ng buhay ang biktimang si John Mark Robidillo, residente ng 294 Balagtas St. Brgy. 143 Bagong Barrio sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Tumakas naman patungo sa hindi matukoy na lugar ang suspek na si alyas “Jimwell”, 22, criminology student ng Divine Mercy College at residente ng 46 Mascardo St. Brgy. 144, Bagong Barrio.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang insidente ng pamamaril sa biktima dakong alas-9 ng gabi sa Gen. Tirona St Brgy. 144 sa hindi pa matukoy na dahilan.

Sa ginawang follow-up operation ng mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5, natunton nila ang Yamaha Mio Sporty motorcycle ng biktima sa F Agular St. Brgy. Bagong Barrio na tinangay ng suspek makaraan ang pamamaslang.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang sa biktima habang patuloy na pinaghahanap ang suspek na wala na sa kanilang tirahan sa Bagong Barrio. (JUVY LUCERO)