November 24, 2024

OFW LIGTAS SA PARUSANG KAMATAYAN (Matapos patayin ang Filipina partner sa Kuwait)

NAKABALIK na ng bansa ang isang overseas Filipino worker sa Kuwait na hinatulan ng parusang kamatayan matapos nitong patayin ang kanyang Filipina partner, isang dekada na ang nakalilipas.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ito ay kasunod ng ipinagkaloob na clemency ni His Highness The Amir of Kuwait, Sheikh Sabah Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah kay Bienvenido Espino.

Kinilala ang naturang OFW na si Bienvenido Espino, na nakalaya matapos ang 13 taon na pagkakakulong. Kabilang siya sa 314 overseas Filipinos na tinulungan ng DFA na una nang nakauwi noong Agosto 30.

Nakinabang sila sa repatriation program ng pamahalaan dahil sa coronavirus pandemic, ayon sa pahayag ng DFA.

Isa lamang si Espino sa mga kapwa niya Filipino na nakakulong sa Sulaibiya Central Jail na pinagkalooban ng “Amiri pardon”.

Nabanggit ng DFA na 12 na taon nang unang humingi ang gobyerno ng Pilipinas ng Amir pardon para sa convicted Filipino.

Hinatulan ng guilty ng Kuwait court si Espino dahil sa kasong pagpatay sa kanyang partner noong Oktubre 2007, at hinatulan ng bitay noong May 2008, ayon sa DFA.

“Espino received a tanazul or letter of forgiveness from the family of his late Filipina partner after settling the blood money for the crime,” pahayag pa ng DFA.

Dahil dito, mula sa death sentence, ibinaba sa life imprisonment noong 2013 ang hatol kay Espino.