December 21, 2024

Obrero kinatay sa harap ng live-in partner sa Malabon

TODAS ang isang 40-anyos na construction worker matapos pasukin sa loob ng kanilang bahay at pagsasaksakin sa harap mismo ng kanyang live-in sa Malabon City.

Isinugod pa sa Ospital ng Malabon ang biktimang si Regin Brabonga bago inilipat sa sa Tondo Medical Center sanhi ng mga matinding tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, subalit idineklarang patay na pagdating sa naturang pagamutan dakong alas 12:28 ng madaling araw ng Lunes..

Kasalukuyan namang tinutugis na ng mga tauhan ng Malabon Police Station ang suspek na si Jim Boy Rodriguez, nasa hustong edad at residente ng Pamasawata Landaska, Brgy. 38, Caloocan City na mabilis na tumakas makaraan ang ginawang pamamaslang.

Sa ulat na ipnarating ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-12 ng hatinggabi nang puwersahang pasukin ng suspek na armado ng patalim sa loob ng kanyang bahay sa Block 4 Kadima, Letre Road, Brgy. Tonsuya ang biktima at sa hindi pa batid na dahilan ay pinagsasaksak sa harap mismo ng kanyang live-in partner na si Irene Soria, 39.

Hindi naman sinaktan ng suspek ang kinakasama ng biktima at mabilis na tumakas nang duguan ng bumulagta ang biktima.

Patuloy naman ang pagsisiyasat nina P/SMS Julius Mabasa at P/Cpl. Bengie Nalogoc, may hawak ng kaso, upang matukoy ang motibo sa nangyaring pagpasalang habang naglunsad na rin ng malawakang paghahanap ang pulisya laban sa suspek.