March 28, 2024

Obrero isinelda sa pambubugbog sa cellphone technician

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang construction worker matapos pagsasapakin ang isang cellhone technician makaraan ang kanilang komprontasyon sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong suspek na si Neil Patrick Pagal, 26 ng Block 6, Lot 3, KSHC, HOA, Hernadez Street, Barangay Catmon.

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Bengie Nalogoc at PCpl Renz Malon Baniqued, nadiskubre ng biktimang si Jaypee Villanueva, 20 ng Isabelle Village, Brgy. Dampalit, na ang kanyang 24-anyos na girlfriend ay nasa bahay ng suspek.

Kaagad nagtungo ang biktima sa bahay ng suspek para komprontahin ito at ipaalam sa kanya na maayos ang relasyon nila ng kanyang girlfriend subalit, sa gitna ng kanilang komprontasyon ay nagalit si Pagal at pinagsusuntok sa mukha at iba’t ibang parte ng katawan si Villanueva dakong alas-8:30 ng gabi.

Matapos nito, nagtungo ang biktima sa hospital para sa medico-legal examination bago humingi ng tulong sa mga tanod ng Brgy. Catmon at kina PSSg Joey Sulit at PCpl Cesario Lang-ay ng Malabon police na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.