November 5, 2024

Obispo naalarma sa talamak na sugal sa Cotabato

PHOTO: CBCP

NAGPAHAYAG ng pagkaalarma ang isang obispong Katoliko sa Diocese of Kidapawan sa pagiging talamak na umano ng iba’t ibang uri ng sugal sa lalawigan ng Cotabato ngayon.

Sinabi ni Bishop Jose Colin Bagaforo na parami na nang parami ng mga mamamayan sa Cotabato ang nalululong sa mga sugal na nagreresulta ng mas maraming problema.

“As a shepherd of this diocese, I am deeply concerned with the young people who are now exposed to and are now slowly being introduced into this kind of activity,” saad ni Bagaforo.

Pero kasabay nito, nagdeklara na ang pamahalaang lungsod ng Kidapawan ng kanilang “war against illegal gambling” sa pagpapalabas ni Mayor Jose Paolo Evangelista ng isang executive order na inaatasan ang mga pulis na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na tupada at iba pang uri ng sugal.

Sinabi pa ng obispo na ang simbahan at ang pamahalaan ay may responsibilidad na protektahan at turuan ang magagandang kaugalian ang kabataan para mapalakas ang kanilang pamilya at magkaroon ng direksyon ang buhay. “It is my hope and prayer that this executive order will be sustained and will stop the activities of illegal gambling in our city of Kidapawan,” bahagi ng sulat ni Bagaforo kay Mayor Evangelista.