November 19, 2024

Obebe abot-kampay ang MOS award ng COPA swimfest

TUMIBAY ang kampanya ni Pauline Beatriz Obebe para masungkit ang inaasam-asam na most outstanding swimmer award matapos makopo ang panibagong tatlong gintong medalya, habang nanatiling matikas sina Nicola Queen Diamante at Anya Dela Cruz  sa ikalawang araw ng aksyon sa COPA (Congress in Philippine Sports, Inc) Reunion Swim Challenge National Finals nitong Linggo sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa loob ng makasaysayang Rizal memorial Sports Center sa Malate, Manila.

Ang ipinagmamalaki ng Aqua Sprint ni coach Manny Thruelen ay nakakolekta ng kabuuang anim na gintong medalya pagkatapos ng dalawang araw na aksyon nang magwagi sa girls 12 Class A 100-m freestyle (1:08.34), 100-m butterfly (1:14.93) at 50m breaststroke ( 46.01). Sa simula ng torneo, nadomina ng 11-year old ang 100-m breast (1:39:95), 200m back (3:00.69) at 50-m butterfly (58 seconds) sa tournament na suportado ng Philippine Sports Commission ( PSC), MILO at Speedo.

“Gusto ko pong maging member ng Philippine Team in the future kaya talagang sinusunod ko ang program ni coach Manny. Next week try ko pong makagold pa rin,” pahayag ni Obebe patungkol sa pagpapatuloy sa susunod na weekend ng torneo na inorganisa ng COPA sa pakikipagtulungan ng Samahang Manlalangoy sa Pilipinas.

Sa kanyang bahagi, nanalo si Diamante sa girls Class A 100m fly sa tyempong 1:21.84 matapos pangunahan ang RSS Dolphins squad sa bronze medal mixed 200-m individual medley (2:12.91).

Ang kasamahan ni Obebe na si Anya Dela Cruz ay nagningning din sa 9year old class, na inaangkin ang ginto sa 100-m fly (1:35.72) at 100-m free (1:25.21).

Sinabi ng tournament director at COPA Board member na si Chito Rivera na nagpasya ang grupo na palawigin ang  tournament sa apat na araw sa dalawang magkasunod na weekend para ma-accommodate ang malaking bilang ng mga kalahok na kinabibilangan ng mga mahihirap na estudyante mula sa mga pampublikong paaralan at mga atletang may kapansanan.

“Kailangan nating i-accommodate ang malaking bilang ng mga kalahok sa sprint, middle at long distance events para hindi masayang ang exposure at experience na lumangoy sa isang internationally-environment competition. Kailangang hanapin ng ating mga swimmers kung anong event talaga ang nababagay nila,” sambit ni Rivera,  head coach ng JRU swimming team sa NCAA.

“Sa suporta mula sa publiko at pribado at sa patnubay ni COPA founder Eric Buhain at two-time Olympian Pinky Brosas isasagawa naming ang mas malalakingmas malalaking torneo sa darating na Disyembre sa unang quarter ng 2023. Yung educational program ng COPA sa coach mas palalakasin na tin,” ani Rivera.

Ang iba pang mga nanalo sa Day 2 ay si Janna Articulo sa girls 12 yrs Class C 100-m fly (1:36.22); Jhoi Araos sa class C Girls 9 Year Olds 100m fly (2:11.23); Allianah Keith sa 10yrs class na 100-m (1:30.05); John Lee sa boys 100mfly ( 1:51.96), Godfrey Pagurayan sa biys 9 yrs 100-m fly (2:01.45) at Kai Mangubat sa boys 10 yrs 100-m fly (1:55.14).