December 23, 2024

NPD malakas ang ebidensiya laban sa pulis na namaril sa Malabon

SINABI ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas na kumpiyansa siya matatanggal sa serbisyo ang bagitong pulis na pumaslang sa dalawang lalaki at nakasugat sa isang babae sa Malabon City.Sa ginanap na pulong-balitaan sa punong himpilan ng NPD Biyernes ng umaga, sinabi ni Gapas na malakas ang kanilang pinanghahawakang mga ebidensiya at testigo, kabilang ang nabuhay na biktimang si Baby Joy Tadiamon na positibong kumilala sa suspek na si Pat. Zenjo Del Rosario na inaresto mismo ng kanyang hepe na si P/Lt. Jonas Gato ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) matapos mag-report sa kanilang tanggapan noon ding tanghali ng araw ng Miyerkules.Bukod aniya kay Tadiamon, may hawak pa silang testigo na makakapagpatunay na nagtungo si Del Rosario sa bahay ng mga biktima sa Basilio St. Brgy. Acacia noong umaga nang mangyari ang pamamaslang.Kilala umano sa naturang lugar si Del Rosario dahil madalas siyang magtungo sa bahay ng biktimang Alexis Gutierrez at bumati pa ng magandang umaga sa ina nito bago walang habas namaril na ikinamatay kaagad ni Jay Bacusmo Apas habang sugatan ang kanyang kasintahan si Tadiamon.Inilahad din ni BGen. Gapas na pawang sangkot sa ilegal na gawain ang mga nasawi, partikular si Apas na dalawang ulit ng nadakip ng Malabon SDEU noon 2018 habang sangkot naman sa panghoholdap at pagnanakaw si Gutierrez, patunay ang nakuhang replica ng kalibre .9mm at ilang pakete na naglalaman ng pekeng shabu sa loob ng kanyang bahay.Ayon sa opisyal, ipinasiya nilang ipahawak ang imbestigasyon sa Northern Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang hindi kakitaan ng special treatment o white wash ang pag-usap ng kaso lalu na’t tauhan nila ang nasasangkot sa pagpatay.Nilinaw din ni Gapas na apat na buwan pa lamang natatalaga sa SDEU si Pat. Del Rosario sa loob ng dalawang taon niya sa serbisyo kaya’t nagtataka sila kung bakit gumawa kaagad ito ng krimen.Sa kabila nito, nagpa-abot ang opisyal ng pakikiramay sa pamilya ng mga napaslang at tiniyak niya sa mga ito na makakamit nila ang hinahangad na hustisya.