December 24, 2024

Non-essential outbound muling pinigil ng BI

MULING ipinatupad ng Bureau of Immigration (BI) ang restriksiyon sa non-essential outbound travel para sa mga Filipino.

“Again, only essential travel of outbound Filipinos will be allowed.  Non-essential travel for leisure and tourism purposes will not be permitted,” ayon sa pahayag ng BI.

Ayon kay BI Port Operations Acting Chief Grifton Medina, inatasan na ang mga immigration officer sa iba’t ibang international port na ipatupad ang travel ban alinsunod sa kautusan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID).

Tulad ng mga naunang direktiba ng IATF-EID, papayagan lamang ng BI na makaalis ang mga dayuhan at Filipino na mga overseas workers, may hawak ng study visa, at permanenteng residente sa kanilang bansang pupuntahan.

Ipinaliwanag din ni Medina na pinapayagan lamang ang essential travel na pupunta sa abroad para sa medical at humanitarian reason gayundin para sa may mga negosyo at may kinalaman sa trabaho.

Kinakailangan lamang ipakita ng outbound Filipino traveler sa mga immigration officer ang mga dokumento at iba pang magpapatotoo sa kanilang layunin sa pagbiyahe upang mapatunayan na ang kanilang trip ay talagang mahalaga.

“However, passengers with bookings until July 20 would still be allowed to leave for non-essential trips abroad,” dagdag niya.