December 25, 2024

No. 9, 10 top most wanted persons ng Valenzuela, nasakote!

DALAWANG lalaki na nakatala bilang No. 9 at 10 top most wanted ang arestado ng mga tauhan ng Valenzuela City Police Station sa magkahiwalay na manhunt operations sa Cavite at Surigao Del Sur.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Intelligence Section ng Valenzuela police na naispatan ang presensiya ng akusadong si Arvin Dumalasa alyas “Buboy”, 44, construction worker, residente ng Ibong Pilak St., Aguardiente, Brgy., Sta. Monica, Novaliches, Quezon City sa Tagaytay, Cavite.

Armado ng warrant of arrest, kaagad nagsagawa ng manhunt operation ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni P/Cpt. Ronald Sanchez na nagresulta sa pagkakaaresto kay Dumalasa, dakong alas-10:50 ng gabi sa Plantation Hills Highlands, Tagaytay, Cavite.

Ani Cpt. Sanchez, si Dumalasa na nakatala bilang No. 10 top MWP ng Valenzuela ay inaresto nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Valenzuela City Presiding Judge Orven Kuan Ontalan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 285, noong July 5, 2021, para sa paglabag sa Sec. 5 Art. II par. 1 of R.A. 9165 – Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nauna rito, natimbog naman ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng VCPS ang No. 9 top MWP ng lungsod na kilala bilang si Jeroom Maceda, 34, ng Brgy. Ugong sa ikinasang manhunt operation sa Barangay Bitoon, Hinatuan, Surigao Del Sur.

Ani WSS chief, P/Lt. Ronald Bautista, si Maceda ay pinosasan nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City RTC Branch 172, para sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 na may inirekomendang piyansa na P200,000.