November 24, 2024

NEGOSYANTE PINATAY SA LOOB NG KANYANG CONVINIENCE STORE

PATAY ang isang negosyante matapos barilin sa loob ng kanyang convenience store sa Malvar, Batangas dakong 7:15 kaninang umaga.

Sa kuha ng CCTV camera makikita ang aktwal na pamamaril sa biktima na si Eufemia Buno, 55-anyos, habang nagsisilbi bilang kahera sa tindahan nang sandaling iyon.

“Hindi namin matanggap, ayaw namin maniwala. Mamimiss namin yung kanyang kakulitan, kanyang kaingayan. Wala na kaming matatanong pagmay kailangan kaming desisyon,” ayon sa naghihinagpis na anak ng biktima.

Tatlong dekada na ang convenience store na pagmamay-ari ng pamilya ng biktima.

Samantala, arestado naman ang suspek na si Herbert Adano, 43, sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad. Itinanggi ng suspek ang naturang alegasyon.

 “Hindi ko nga ginawa ‘yan, ako ay napagbintangan lang,” pagtatanggi ni Adano.

Tinitignan na ng pulisya ang anggulong away sa hatian ng komisyon sa ibinebentang lupa ang posibleng motibo sa pamamaslang.

 “May binebenta na lupa, magkakaroon sila ng komisyon na seven million each, apat silang magpa-parte-parte dun sa mabebenta na lupa, kaya lang nu’ng kukuhanin, tinatanong na po ng biktima doon sa suspect ‘yung updates kung naibenta na, sabi po ay wala pa,” ayon kay Police Major Jonathan Amutan, hepe ng Malvar Police Station.

 “Naisipan po naman nun’g (biktima) na kunin po ulit ‘yung papel ay ayaw po ibigay ng suspek, parang nag-doubt na po ang biktima motive po doon parang hindi naman totally onsehan ang tawag parang interes, ang suspek na hindi na siya mapartehan,” dagdag pa ng opisyal.

Hustiya naman ang sigaw ng pamilya ng biktima.

“Mabigyan ng katarungan yung kanyang pagkawala, yung kanyang pagalis. Yung ating local na gobyerno nagpapasalamat po kami kasi napakarami pong tumutulong sa amin,” ayon sa anak ng biktima. “Kung sakali man hindi pa nahuhuli kasi iisa pa lang yung nahuhuli, iisa pa lang yung suspect. Sana makita rin yung isa,” dagdag niya.

Nahaharap sa kasong pagpatay ang suspek.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Philippine National Police) sa Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group (HPG) upang alamin kung sino ang may-ari ng sasakyan na ginamit sa insidente.