November 5, 2024

‘NCR PLUS’ IBINALIK SA ECQ (Curfew mula 6PM hanggang 5AM)

MAYNILA – Isang linggo matapos ilagay sa general community quarantine “bubble,” muling isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila at apat na kalapit nitong lalawigan – Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna.

Ang istriktong quarantine ay inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa briefing sa Malacañang na ipatutupad simula Marso 29 hanggang Abril 4 kasabay ng Mahal na Araw.

Hindi tulad noong unang ipatupad ang ECQ, makakabiyahe pa rin ang pampublikong transportasyon na mayroong kapasidad at guidelines na manggagaling sa Department of Transportation (DOTr).

Habang umiiral ang isang linggong ECQ, magkakaroon ng curfew mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga sa Metro Manila at apat na sakop na lalawigan, dagdag ni Roque.

Sa nasabi ring ECQ, pagbabawalan din ang mass gatherings, kabilang ang religious services na unang pinayagan sa ilalim ng 10 porsiyentong kapasidad.

Mananatiling bukas ang mga mall, subalit para lamang sa essential stores tulad ng pharmacies, groceries at hardware stores.

Hindi rin isasara ang mga resto, subalit take-out at deliveries lang ang papayagan.

Inilabas ni Roque ang anunsiyo matapos makapagtala ang Pilipinas ngayong araw ng 9,595 na bagong kaso ng COVID-19 at 118,112 aktibong kaso.