December 25, 2024

NCR MAYORS OK SA MORATORIUM NG ‘PASS-THROUGH’ FEES

Susundin ng mga alkalde sa National Capital Region (NCR) ang Executive Order No. 41 ng Malacañang na sinuspinde ang pangongolekta ng “pass-through fees” sa mga food trucker.

Ito ang napagpasyahan umano sa pulong na dinaluhan ng 17 alkalde sa NCR sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“Pag taas ng mga bilihin talaga, pinaka-affected parati ang Metro Manila. Bakit? Dahil i-transport iyan galing probinsya, ang agricultural products. Kaya sa pagtatanggal nitong mga passing through na ito, ang laking bagay sa pagkamura ng ating mga bilihin,” paliwanag ni Interior Secretary Benhur Abalos.

Ang mga umiiral na ordinansa ng mga LGU sa paniningil ng mga bayarin ay sususpindihin din o ipapawalang-bisa, alinsunod sa resolusyon, na aniya’y nagkakaisang inaprubahan ng konseho, sabi ni MMC President San Juan Mayor Francis Zamora.

“Iyong local government units na merong pass through ordinance, hindi naman specifically iyong income nito ay napupunta sa any specific activity. It goes to the general fund of the local government. Sa general fund po kasi kinukuha iyong araw-araw na pag-ma-manage ng local government unit,” saad niya.

“It really depends on the prioritization of the local government unit kung saan gagamitin ang pondo nila. Ang impact po nito, unang-una siyempre, iyong mga LGU na may ordinansa, mababawasan ang income. Ngunit kung titimbangin mo, kung ako tanungin niyo, mababawasan nang kaunti ang kita ng LGU ngunit makakatulong naman sa ating mga mamamayan sapagkat ang presyo ng bilhin ay mapapababa, then we were able to look after the general welfare of our people,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng local government code, ang mga LGU ay maaaring magpataw ng bayad sa mga kalsadang kanilang ginawa.

Ayon kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, tanging Maynila at Caloocan ang kasalukuyang nagpapatupad ng pass-through fees.

Ang ibang mga LGU sa NCR ay mayroon ding mga bayarin sa ilalim ng local tax code, ngunit hindi ipinapatupad.

Sinabi ni Artes na ang “nature of collection”  ay maaaring buwanan o taon-taon, at binabayaran ng mga operator o driver ng mga sasakyan.

“Siguro sa mga coming months mararamdaman na iyan, lalong-lalo na bago mag-Pasko. Alam naman natin, maraming deliveries na mangyayari dahil mabilis ang komersyo. May bonuses ang mga tao,” saad niya.

“Ito ay hindi lamang applicable siguro sa Metro Manila. Nasabi nga ni Secretary (Abalos) na gagawin din ito sa buong Pilipinas. So doon natin mararamdaman iyan, habang dumadami iyong sumusuporta rito at nagsu-suspend ng kanilang pass-through fees,” dagdag niya.