
Ngayong ibabalik na ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila simula Mayo 26, muling mainit ang usapin kung ito ba ay tunay na makakatulong sa disiplina sa kalsada, o isa lamang itong dagdag pahirap sa mga motorista.
Sa teorya, maganda ang layunin ng NCAP. Hindi mo na kailangan pang harangin sa daan para mahuli—ang mga CCTV na ang bahala. Kung lumabag ka, may ebidensiya, may notice, at may due process para umapela. Wala nang kotong, wala nang pakikipagtalo sa enforcer. Lahat ay dokumentado. Para sa mga motorista na disiplinado, walang problema rito.
Ang patakaran ay ipatutupad sa mga sumusunod na pangunahing lansangan sa Metro Manila:
- C1 – Recto
- C2 – Mendoza, Pres. Quirino Avenue
- C3 – Araneta Avenue
- C4 – EDSA
- C5 – C.P. Garcia, Katipunan Avenue, Tandang Sora
- R1 – Roxas Boulevard
- R2 – Taft Avenue
- R3 – South Superhighway
- R4 – Shaw Boulevard
- R5 – Ortigas Avenue
- R6 – Magsaysay Boulevard, Aurora Boulevard
- R7 – Quezon Avenue, Commonwealth Avenue
- R8 – A. Bonifacio
- R9 – Rizal Avenue
- R10 – Del Pan, Marcos Highway, McArthur Highway
Pero sa praktika, maraming tanong ang hindi pa rin malinaw para sa karamihan ng publiko.
Una, paano kung ang notice ay hindi naipadala nang tama o nasa maling address ng vehicle owner? Paano kung hindi alam ng may-ari na may violation pala siya at biglang hindi na mairehistro ang sasakyan?
Ikalawa, hindi pa rin solido ang access ng publiko sa mabilis na appeals process. May online form nga, pero gaano kabilis ang aksyon? May malinaw bang turnaround time?
At ang mas malaking isyu: may mga pagkakataong hindi patas ang sistema. May mga violation na kinukuwestiyon ang accuracy, gaya ng paglabag sa “yellow box” kahit na trapik na trapik at wala namang intensyon ang driver na sagasaan ang patakaran. Minsan, ang makina lang ang may sabi na may pagkakamali—pero ang konteksto ay hindi nakikita ng CCTV.
Hindi rin biro ang halaga ng mga multa, lalo na para sa mga ordinaryong manggagawa na araw-araw bumabiyahe gamit ang motorsiklo o secondhand na kotse. Kung di ka makabayad agad, maaaring ma-“alarm” sa LTO ang plaka mo—dagdag problema, dagdag gastos.
Ang tanong ngayon: Makatarungan ba ang NCAP kung kulang ang safeguards para sa mga inaabusong motorista?
At handa ba talaga ang sistema para sa malawakang pagpapatupad nito, o pipilay-pilay nanaman tayo sa implementasyon?
Sa huli, ang NCAP ay maaaring maging mabisang kasangkapan para sa kaayusan at kaligtasan sa kalsada—pero kailangang tiyakin na ang pagpapatupad nito ay patas, malinaw, at hindi mapagsamantala. Ang disiplina ay mahalaga, pero dapat ay may hustisya rin.
Hindi natin kailangang paboran ang pasaway. Pero hindi rin dapat balewalain ang lehitimong hinaing ng mga driver na sumusunod ngunit nalalagay sa alanganin dahil sa mga butas ng sistema.
