May 17, 2024

Nawawalang batang lalaki lumutang sa daluyan ng tubig sa Malabon

BANGKAY na nang matagpuan ang 11-anyos na batang lalaki habang nakalutang sa maruming daluyan ng tubig ang bata sa Malabon City, Huwebes ng hapon.

Labis ang paghihinagpis ng 28-anyos na ina ng biktimang si alyas “Prince” residente ng St. Gregory Homes (NHA) Brgy Panghulo nang ipaalam sa kanila ang pagkakatagpo sa bangkay ng panganay sa tatlong anak dakong alas-2:20 ng hapon sa maruming ilog sa Panghulo Road, Brgy. Panghulo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nadiskubre nina Fernando Sañie, 35, at Rolly Dela Cruz, 43, kapuwa residente sa naturang barangay, ang bangkay ng biktima na walang saplot pang-itaas na kaagad nilang ipinagbigay-alam sa barangay.

Nabatid na kararating lang mula sa pinapasukang paaralan si Prince Huwebes ng tanghali nang magpaalam sa ina na lalabas lang dakong alas-2 ng hapon matapos kumain ng tanghalian at maligo na madalas namang ginagawa umano ng bata.

Sa post ng kanyang ina sa social media, pinakagabi na aniya ang 7:30 p.m. ang paguwi sa bahay ng anak kaya labis na ang kanilang pagkabahala ng lagpas na sa naturang oras ay hindi pa bumabalik ang anak.

Sa social media rin idinaan ng ina ni Prince ang paghingi ng hustisya sa pagkamatay ng anak na palatandaang may pagdududa sila na may foul play sa pagkamatay ng bata. (JUVY LUCERO)