December 27, 2024

NAVOTAS PINURI ANG DRUG-BUSTER COPS, ‘VIRAL’ TRAFFIC ENFORCER

BINIGYAN ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco ng isang resolusyon ng pagkilala ang Navotas City Police sa pamumuno ni P/Col. Allan Umipig sa kanilang kabayanihan at katapangan dahil sa pagkakahuli nila sa isang drug personality at pagkakumpiska ng 574.8 kilo ng shabu na nagkakahalagang P3,908,640,000.00 sa isang anti-drug operation sa Baguio. (JUVY LUCERO)

KINILALA ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang huwarang pagganap ng mga opisyal ng Navotas City Police at isang enforcer ng City Traffic and Parking Management Office.

Sa pamamagitan ng resolusyon ng Sangguniang Panlungsod, pinuri ng lungsod ang 44 na pulis na lumahok sa raid sa Baguio na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 574.8 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.9 bilyon at pagkakaaresto ng isang drug personality.

Nakatanggap din ang mga opisyal ng P250,000 cash incentive mula sa Navotas Anti-Drug Abuse Council.

Samantala, pinuri at binigyan naman ng P10,000 incentive ng pamahalaang lungsod ang traffic enforcer na si Mark Ferdinand Luzuriaga.

Nag-viral sa social media si Luzuriaga matapos umanong sapakin at sakalin ng isang pulis-Maynila na tumangging magpahuli dahil sa pagmamaneho ng tricycle na walang prangkisa.

Kalaunan, inaresto ang opisyal ng mga tauhan ng Navotas pulis sa pangunguna ng hepe nito na si Police Col. Allan Umipig.

Kapwa pinasalamatan ni Mayor John Rey Tiangco ang Navotas police at si Luzuriaga dahil sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa kabila ng panganib na dulot nito.

“Their bravery and faithful performance of their duty are worthy of emulation. They serve as an inspiration to all public servants and a reminder to everyone that no one is above the law,” ani Mayor Tiangco.