January 13, 2025

NAVOTAS NANGUNA SA MAY PINAKAMATAAS NA ADAR

NAKAPAGTALA ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 ang lungsod ng Navotas na itinuturing ngayong nangunguna sa mga lugar na delikado sa nasabing sakit.

“Ang pangunguna sa COVID-19 cases ang hindi nanaisin ninuman”. Pahayag ito ni Mayor Toby Tiangco matapos bumandera ang Navotas sa talaan ng mga may pinakamataas na COVID-19 Average Daily Attack Rate (ADAR) sa buong bansa nitong nakalipas na linggo.

“Base sa pinakahuling ulat ng OCTA Research, Navotas ang may pinakamataas na ADAR sa buong bansa simula Agosto 7-13, 2021. 215% ang itinaas ng kaso ng COVID-19 sa ating lungsod. 41 ang average daily case noon, ngayon, 129 na,” ani Tiangco.

Ginunita ng alkalde ang mga araw na Navotas ang may pinakamababang ADAR sa Metro Manila at naniniwalang magagawa rin nila itong muli.

“Marami na tayong mga kapamilya, kaibigan o kakilala na nagkasakit o namatay dahil sa COVID-19. Wag nating hayaan na may madagdag pa rito”, dagdag niya.“Labanan natin ang salot na COVID-19 sa pamamagitan ng pag-iingat at pagsunod sa safety health protocols, lalo na ang tamang pagsusuot ng face mask. Magpabakuna para magkaroon ng proteksyon. Kapag walang nahahawaan, namamatay ang virus. ‘Wag itong hayaang makapaminsala pa ng buhay at kabuhayan,” paalala ng alkalde sa mga Navoteño. (JUVY LUCERO)