January 16, 2025

NAVOTAS NAGDAGDAG NG SKILLED WORKERS

Nadagdagan pa muli ang bagong batch ng skilled workers sa Navotas City kasunod ng virtual graduation ng 138 Navoteños mula sa Navotas Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute.

Sa NAVOTAAS Institute Annex 1, 46 ang nakakumpleto ng Japanese Language at Culture habang 11 nakatapos ng Basic Korean Language at Culture.

May lima ding nakapagtapos sa Beauty Care NC II; 4, Hairdressing NC II; 10, Dressmaking NC II; 7, Tailoring NC II; at 12, Bread and Pastry Production NC II.

Samantala, sa NAVOTAAS Institute Annex 2, 15 trainees ang nakakumpleto at nakatanggap ng national certification (NC) II para sa Housekeeping, at 28 nakapagtapos ng Basic Visual Graphics and Design.

Binati ni Mayor Toby Tiangco ang nasipagtapos at pinuri sila dahil sa paggamit ng kanilang oras sa pagsasanay at makakuha ng bagong kasanayan.

“I commend all our tech-voc graduates for choosing to be productive even while we are under community quarantine. Our current situation should not hinder us from learning new things and striving to improve ourselves,” aniya.

“Maaaring magsimula ang mga nagsipagtapos ng negosyo o dalawin ang  NavotaAs Hanapbuhay Center para sa hanapbuhay na puwede na nilang pasukan,” dagdag niya.

Habang sinabi naman ni Cong. John Rey Tiangco, na ang lungsod ay nagtatag ng training centers upang bigyan ng pagkakataon ang mga Navoteño na matuto ng mga bagong pamamaraan at iba’t-ibang uri ng skills na makatutulong sa kanilang paghahanapbuhay at pamumuhay.

Ang Navotas ay may apat na training centers na bukas para sa mga Navoteño at hindi Navoteño trainees habang ang mga residente ay maaaring mag-aral ng libre sa nabanggit na training institute at ang mga hindi naman residente ng lungsod ay sasailalim sa assessment exams ng libre depende sa kursong kukunin nito.

“Navotas is not rich in terms of funds and other resources. Our greatest asset is our people. That is why we invest heavily on projects and programs that would empower and enable Navoteños to create the life they dream for themselves and their loved ones,” ani Cong. Tiangco.

Nagsimula ang enrollment para sa Beauty Care NC II, Hairdressing NC II, Massage Therapy NC II, Food and Beverages Services NC II, Barista NC II, Cookery NC II, Bread and Pastry Production NC II at Food Processing NC II habang mayroon rin Tailoring NC II, Dressmaking NC II, Basic Visual Graphics and Design, Japanese Language and Culture, at  Korean Language and Culture.

Noong nakalipas na buwan ng Agosto kasalukuyang taon ang Navotas ay kinilala bilang isa sa 2021 National Kabalikat Awardee of the Technical Education and Skills Development Authority dahil sa inisyatibo nitong ipakilala ang Technical and Vocational Education and Training (TVET). (JUVY LUCERO)