January 23, 2025

NAVOTAS, GRAB PH NAGKASUNDO SA GRAB BAYANIHAN

Nagkasundo ang pamahalaang lungsod ng Navotas at Grab Philippines na bigyan ng kabuhayan ang mga Navoteño sa pamamagitan ng GrabBayanihan.

Pinangunahan nina Mayor Toby Tiangco at Brian Cu, Grab Philippines President, ang “virtual signing” ng memorandum of agreement (MOA) para sa GrabBayanihan Socio-Economic Recovery Initiative na naglalayong bigyan ng pagkakakitaan ang mga residente ng Navotas na naapektuhan ng Coronavirus 2019 (COVID 19) pandemic at mga susunod na community quarantine.

Sa ilalim ng MOA, ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO), City Franchising and Permits Processing Unit (CFPPU), at City Business Permits and Licensing Office (CBPLO) ay tutulong mag-recruit ng tricycle drivers at mga nawalan ng hanapbuhay na may pag-aaring kahit isang motorsiklo, na magtrabaho bilang delivery riders para sa GrabFood at GrabExpress.

Hihikayatin ng pamahalaang lungsod ang mga may-ari ng lisensyadong micro, small at medium enterprises na maging Grab merchants at paganahin ang kanilang mga negosyo sa pamamagitan ng Grab app.

Ia-assess at tutukuyin ng CFPPU at PESO ang mga kwalipikadong aplikante at tutulungan sila sa pagkuha ng working permits at Tax Identification Number (TIN) identification cards, maging rapid passes at cross-boundary permits kung kinakailangan.

Tutulungan ng CBPLO ang mga nagnanaisa na magnegosyo sa pagkuha ng business permits at iba pang requirements na iniisyu ng local na pamahalaan na kailangan para sa kanilang aplikasyon bilang partner establishments.

Sa kabilang dako, susuriin at ia-accommodate ng Grab Philippines ang mga kwalipikadong Navoteño drivers para maging bagong delivery riders hanggang makumpleto ang 500 slots.

Bibigyan din ng Grab Philippines ng basic training ang mga hired riders, at bibigyan sila ng parehong benepisyong ipinagkakaloob sa ibang independent contractor riders.

“Many have lost their jobs or are now earning less because of the pandemic. MSMEs are also suffering losses due to the restrictions of community quarantine. This partnership with Grab Philippines is a welcome opportunity for Navoteños who strive to support their families amid the pandemic. The GrabBayanihan program not only provides livelihood to our people; it also brings hope that life will become better if we help and lift each other up,” ani Mayor Tiangco.

Sa ilalim ng inisyatibo, ang mga hired riders ay magsisilbing delivery partners sa loob ng anim na buwan, at hahayaang mamili kung magpapatuloy o ihihinto ang kanilang serbisyo matapos ang nasabing panahon.