May 19, 2024

Magnanakaw ng bisikleta, arestado

BAGSAK sa kulungan ang isang lalaki matapos magnakaw ng bisikleta sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

          Kinilala ang naarestong suspek na si Timothy Dangan, 24, walang trabaho ng No. 13 Fortune St. Brgy. Palasan, ng lungsod na nahaharap sa kasong robbery.

          Sa imbestigasyon, alas-3:30 ng madaling araw, umihi si John Ryan Morelos, 30, merchandizer, sa labas ng kanilang bahay sa No. 28 P. Caco, Brgy Isla, nang makita nito ang suspek habang pinuputol ang kadena na nakatali sa kanyang Japanese bicycle gamit ang bolt cutter.

          Nang lapitan niya ang suspek, agad itong sumakay sa bisikleta at tumakas patungong Poblacion Polo na naging dahilan upang magsisigaw na humingi ng tulong ang biktima habang hinahabol si Dangan.

           Nakorner ang suspek ng nakihabol na mga bystander sa Polo Market at nabawi ang bisikleta na nagkakahalaga sa P3,000 at bag na naglalaman ng bolt cutter at grass cutter.