UMABOT sa 220 Chinese militia vessels ang namataan ng AFP sa bahagi ng Julian Felipe (Whitsun) Reef na saklaw ng teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea nitong March 7, 2021.
Ito’y sa gitna ng patuloy na pagsuporta at pakikipagkaibigan ni Pang. Rodrigo Duterte sa People’s Republic of China.
Sa panahon na lugmok ang Pilipinas at walang kalaban-laban sa pananakop at panggigipit ng China na itinuring pang kaibigan ng Duterte administration.
Nasaan ang mga opisyal ng gobyerno na gustong magtungo sa West Philippine Sea para maitaboy ang mga barko ng China?
Hindi po ako maka-Amerikano pero kitang-kita naman ng buong mundo na hindi makaporma sa loob ng halos 6 na dekada ang Tsina sa WPS nang may military bases pa ang US sa Subic at Clark, Pampanga.
Pero, lumakas ang loob ng mga Chinese nang palayasin ng mga sinasabing ‘makabayan’ kuno na mga Senador sa pangunguna ni former President Erap Estrada at maka-pulahang grupo ang mga base militar ng Amerika.
Sino ngayon ang magtatanggol sa Pilipinas sa ginagawang pang-aapi, pambabraso at pananakot ng China na malapit na kaibigan ng Pangulo?
Dapat magpakita man lang ng tapang at gilas ang mga nasa posisyon ngayon bago maging huli ang lahat sa mga Filipino.
Ayaw kong maging probinsya ng China at ayaw kong maging tambakan ng illegal na droga ang Pilipinas.
Sana magising na ang Duterte administration sa mahimbing na pagkakatulog at mukhang nabakunahan ng Sinovac o Sinopharm ang mga opisyal sa Palasyo kaya ‘di kumikilos.
Kung umaksyon man, takot na takot sa China. Nasaan ang ‘balls’ nina Defense Sec. Delfin Lorenzana at Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin?
Akala ko ba American boy ka Sec. Lorenzana?
Tama ba Sec. Locsin, hihintayin mo pa ang rekumendasyon ng AFP para makapaghain ng diplomatic protest?
Walang katuturan ang diplomatic protest sa China dahil naniniwala itong sakop nila ang lahat ng katubigan at kayamanan sa ilalim ng dagat na sinasabi nilang bahagi ng nine-dash line map.
Kahit nga ang desisyon ng UN arbitral tribunal sa The Hague The Netherlands noong July 12, 2016 ay hindi sinasanto ng mga Tsino, papaano pa kaya ang isang kapirasong papel na diplomatic protest?
Nakakahiya kayo sa mga ninuno at mga bayani nating nagbuwis ng buhay at nakipagpatayan sa mga mananakop na bansa sa ating mahal na bayan.
Hindi nagpagapi at lumaban nang sabayan si Lapu-lapu laban sa grupo ni Ferdinand Magellan sa Mactan noong 1521, 500 taon na ang nakalipas.
Bagama’t nasakop tayo ng España at Amerika, hindi nanahimik, hindi bahag ang buntot at lumaban nang sabayan ang mga magigiting nating bayani na sina Gat Jose Rizal, Marcelo del Pilar, Juan at Antonio Luna, Macario Sakay, mga Katipunero sa pamumuno ni Gat Andres Bonifacio at mga Hukbalahap sa panahon ng mga Hapon.
Natatakot daw ang Pangulo na bombahin tayo ng China? Hindi gagawin ng China ang pambobomba sa isang mas maliit na bansa dahil ang makakalaban nya ay mas super powers at malalaking bansa na gusto ng katahimikan sa mundo.
Tiyak na kokondenahin at babanggain ng mga super powers na ito ang higanteng China.
Palibhasa ba binibigyan ng China ng libreng bakuna ang Pilipinas kaya ipauubaya na lang natin ang mga isla, reef o katubigang sakop ng bansa sa loob ng 200 nautical miles exclusive economic zone?
More Stories
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE
Mga leader ng bansa dapat mahiya sa mga Pilipino, walang tigil sa bangayan!
Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino