
Isang naiwang backpack ang natagpuan sa Siargao Airport noong Mayo 31, 2025 at matagumpay na naibalik sa tunay na may-ari nito kinabukasan.
Ayon kay Eric Apolonio, tagapagsalita ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), bandang 4:20 ng hapon nang mamataan ng mga tauhan mula sa CAAP Security and Intelligence Service at Eagle One ang isang pulang itim na backpack na iniwang walang bantay sa waiting area ng paliparan.
Agad na inireport ang insidente sa Aviation Security (AVSEC) at Explosive Ordnance Disposal (EOD) units. Mabilis na nagresponde ang mga ito at isinagawa ang mga standard inspection procedures, kabilang na ang K9 sweep, upang masiguro na walang banta sa seguridad.
Ipinaliwanag ni Apolonio na ang mga naturang hakbang ay bahagi ng pagsunod sa ICAO Annex 17 at ng National Civil Aviation Security Programme (NCASP) na layuning panatilihin ang mga pandaigdigang pamantayan sa pamamahala ng banta sa aviation security.
Matapos makumpirma na walang panganib ang laman ng bag, isinagawa ang inventory sa mga nilalaman nito na kinabibilangan ng laptop, power bank, camera, at iba pang personal na gamit.
Noong Hunyo 1, 2025, nai-claim na ng may-ari ang bag — isang lalaking Singaporean national.
Pinasalamatan ng CAAP ang maagap na tugon at koordinasyon ng mga tauhan ng seguridad sa paliparan. Muling iginiit ng ahensya ang kanilang patuloy na pagtutok sa kaligtasan at seguridad ng lahat ng pasahero at kawani ng airport.
Nagpaalala rin ang CAAP sa publiko na maging mapagmatyag at huwag pabayaan ang kanilang mga personal na gamit habang nasa paliparan. (ARSENIO TAN)
