November 24, 2024

NAIA IPAPANGALAN KAY MARCOS SR

Naghain ang isang Visayan solon ng isang panukala para palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at gawing Ferdinand E. Marcos International Airport.

Sa House Bill 610 ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, nakasaad na mas angkop kung ipapangalan ng NAIA sa taong tumulong at nagtaguyod sa pagpapatayo nito.

“This project was done during the time of the presidency of Ferdinand Marcos Sr,” saad niya.

Sa ilalim ng administrasyon ng yumaong Pangulong Cory Aquino, noong 1987, pinalitan ang Manila International Airport (MIA) sa NAIA, na ipinangalan sa kanyang yumaong asawa na si Ninoy Aquino, na pinaslang sa naturang airport.

“It is more appropriate that it would bear the name of the person who has contributed and left a legacy that makes the Philippines a center of international and domestic air travel, who has instituted and built or conceptualized the project making it the pride of our country,” punto ni Teves.

Inihain ang panukala noong Hunyo 30, ang unang araw ng 19th Congress.

Sa privilege speech noong 18th Congress, sinabi ni Teves na si Marcos Sr. ay isa sa pinakamagaling, kung hindi  ang pinakamagaling na pangulo ng bansa.

 Naniniwala rin si Teves na mapapantayan kung hindi man ay malalagpasan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang nagawa ng kanyang ama.