Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang isang lalaking naaksidente sa kalsada kasama ang angkas na babae matapos pagsabihan ng mapanirang salita ang rumespondeng mga pulis sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Si Gerald Ejan, 25 ng Road 3, Lingahan, Malanday ay sinampahan ng pulisya ng kasong unjust vexation, disobedience of lawful orders of persons in authority or their agents, paglabag sa R.A 4136 o driving without license at driving under the influence of alcohol sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
Sa tinanggap na report ni Valenzuela police chief P/Col. Fernando Ortega, habang nagsasagawa ng mobile patrol si P/SMSgt. Joel Taniongon at Pat. Mark Reiner Andres ng Dalandanan Police Sub-Station 6 nang atasan sila na tulungan ang nangyaring vehicular accident sa kahabaan ng G. Lazaro St. Brgy. Dalandanan dakong 1:10 ng madaling araw.
Pagdating sa lugar, nakita nila si Ejan na nakaupo sa simento habang ang kanyang angkas na kinilalang si Coleen Ablao ay walang malay na nakahandusay dahil sa tinamong pinsala sa noo kaya’t tumawag ang mga pulis sa Valenzuela Rescue Team.
Habang naghihintay sa ambulansya, nagkamalay ang biktima at nag-hysterical saka tinanong si Ejan kung bakit at paano sila naaksidente.
Inawat ni Sgt. Taniongon si Ablao at sinabihan na maging kalmado dahil parating na ang rescue team subalit, namagitan si Ejan at nagsalita ng “Ulol, wala kayong kuwentang mga pulis,”.
Binalaan ng mga pulis si Ejan tigilan ang mga mapanirang salita sa kanila subalit, pagpatuloy pa rin ang suspek sa masasamang salita sa mga pulis na naging dahilan upang arestuhin siya ni Sgt. Taniongon ngunit itinulak nito ang pulis para hindi maaresto.
Gayunman, nagawang siyang mapigilan ng mga pulis at pagdating ng rescue team ay dinala ang suspek at si Ablao sa Valenzuela Medical Center kung saan nadiskubreng positibo sa alcoholic breath test si Ejan at pagmamaneho ng walang driver’s license.
Lumabas sa imbestigasyon na minamaneho ni Ejan ang isang motorsiklo angkas si Ablao nang mawalan ito ng kontrol hanggang sa bumangga sila sa gutter at tumama sa pinto ng isang beauty parlor dahilan upang tumilapon si Ablao.
More Stories
LEO FRANCIS MARCOS, INATRAS KANDIDATURA
Galvez sa MILF: Magsagawa ng imbestigasyon… 4 PATAY KABILANG ANG 2 SUNDALO, 12 IBA PA SUGATAN SA PANANAMBANG SA BASILAN
CIDG ‘KOLEKTONG ISYU’ MATULDUKAN NA KAYA?