January 24, 2025

MRT3, LRT 2, LRT1, PNR balik-operasyon bukas

Nagsagawa ng disinfection operation sa loob ng mga tren ang tauhan ng Philippine National Railway (PNR) habang suot ang protective suit ngayong araw. Ito’y bilang paghahanda sa muling pagbabalik-operasyon ng PNR matapos ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi na ibinalik muli sa general community quarantine ang Metro Manila at kalapit na lalawigan tulad ng Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan simula Agosto 19 hanggang 31. (Kuha ni NORMAN ARAGA)

Muling magpapatuloy ang operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3), Light Transit Line 2 (LRT2), Light Rail Transit Line 1 (LRT1) at Philippine National Railways (PNR) ngayong Miyerkules, Agosto 19, nang ibalik sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at kalapit na lalawigan.

Muling ipinaalala sa publiko ng MRT3, LRT2, LRT 1 at PNR na hindi papasukin ng istasyon at pasasakayin ng mga tren ang mga pasaherong walang face mask at shield.

Alinsunod ito  sa inilabas na Memorandum Circular 2020-014 ng Department of Transportation noong Agosto 3 bilang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ipatutupad din ang one meter social distancing sa loob ng istasyon at sa loob ng mga tren, pagbabawal sa pagsasalita at pagtawag sa anumang digital devices.

Masusi rin ang pagdi-disinfect ng mga istasyon, mga bagon at may contact tracing form na ipasasagot sa mga pasahero.

Sa Facebook post, sinabi ng DOTR-MRT 3 tatakbo bukas ang18 tren, kabilang ang 16 CKD train sets at dalawang Dalitan train sets para magbigay ng serbisyo sa publiko.

Ang unang tren anila ay bibiyahe ng alas-5:00 ng umaga mula North Avenue at Taft Avenue dakong alas-5:30 ng umaga.

Ang huling biyahe naman ng tren mula sa North Avenue station (southbound) ay alas-9:10 ng gabi hanggang alas-10:11 ng gabi sa Taft Avenue station (northbound).