November 24, 2024

Motorsiklo sinalpok ng truck, rider utas, angkas malubha

Dedbol ang isang rider habang malubha naman ang lagay ng kanyang angkas matapos salpukin ang kanilang sinasakyang motorsiklo ng isang Isuzu Elf truck sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Jessie Boy Tapia, 24 ng 160 Gen. Mascado St. Bagong Barrio.

Inoobserbahan naman sa naturang pagamutan sanhi rin ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang kanyang back rider na si Joko Sarmiento, 19, Crew at residente ng 32 Gen. Evangelista St. Brgy. 144.

Nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injury at Damaged to Property ang driver ng Isuzu Elf na may plakang (CAF2639) na si Jomar Anilao, 29, fish vendor ng Deparo 2 Caloocan 2 Diamante Sterling 2 Brgy. 170.

Batay sa imbestigasyon ni Caloocan police traffic investigator PCpl Rhou Anthony Gudgad, dakong 3:50 ng madaling araw, sakay ang mga biktima sa isang Yamaha Nmax at binabagtas ang westbound lane ng EDSA habang tinatahak din ng Isuzu Elf na minamaneho ni Anilao ang EDSA patungong Balintawak.

Pagsapit sa A. De Jesus Street, hindi napansin ng truck driver ang motorsiklo na minamaneho ni Tapia na nag U-turn patungong Balintawak na naging dahilan upang mabangga nito ang likuran bahagi ng motor. Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga biktima sa motorsiklo na naging dahilan upang agad na isinugod sa naturang pagamutan ng rumespondeng DRRMO ambulance habang sumuko naman sa pulisya ang truck driver.