January 27, 2025

MIYEMBRO NG MEDIA ITINUMBA (Dahil sa illegal mining?)

PATAY si Jobert “Polpog” Bercasio, isang online news show host ng Balangibog TV, matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa Sorsogon City.

Base sa inisyal na report ng pulisya, lulan ng kanyang scooter si Bercasio ng bariling ng riding in tandem dakong alas-7:55 ng gabi malapit sa XTRM Seabreeze Homes Subdivision sa Barangay Cabid-an.

Si Bercasio,  na dating radio reporter ng local station ng DZMS, ay nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging dahilan ng agaran niyang pagkamatay.

Hindi pa matukoy ang kinaroroonan ng mga suspek at iniimbestigahan na ngayon ng lokal na pulisya ang dahilan ng pagpatay.

Pero ayon sa nakalap na impormasyon ng Reporters Without Borders (RSF), may kinalaman daw umano ang pagkakapaslang sa naturang journalist dahil sa coverage nito sa mining industry.

Sa huling post ni Bercasio bago ang nangyaring pamamaslang, kinuhan nito ng larawan ng isang kahina-hinalang truck malapit sa isang minahan na walang kaukulang permit at gumagamit ng pekeng plaka. Ipinost niya ang photo ng truck ilang araw ang nakalilipas.

Nitong Mayo lamang ay pinaslang din ang radio journalist na si Carnelio “Rex” Pepino, isang radio journalist sa Dumaguete City, dahil rin sa kanyang mga coverage sa local bribery at korapsyon na may kaugnayan sa illegal mining.