December 26, 2024

Miyembro ng “Legaspi Drug Criminal Group”, timbog sa baril at shabu Navotas

ARESTADO ang isang miyembro ng “Legaspi Drug Criminal Group” matapos makuhanan ng baril at shabu sa isinagawang operation ng pulisya sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong suspek na si Alfredo Borlongan alyas “Hill”, 32 ng S. Roldan St., Brgy. Tangos South.

Ayon kay Col. Ollaging, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba Navotas Police Intelligence Section hinggil sa miyembro umano ng Legaspi Drug Group na naispatan sa kahabaan ng S. Roldan Street.

Kaagad nagsagawa ng operation at monitoring ang mga pulis sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo hanggang sa maispatan nila ang suspek na naglalakad sa naturang lugar habang may hawak na baril na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-4:25 ng madaling araw.

Narekober sa suspek ang isang cal. 38 revolver na kargado ng tatlong bala at isang transparent plastic sachet na naglalaman ng 2.5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P17, 000.00.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz ang Navotas Police sa ilalim ng pamumuno ni Col. Ollaging dahil sa matagumpay na pagkakaaresto sa naturang miyembro ng criminal drug group. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act Of 2002 at RA 10591 in relation to Omnibus Election Code.