May 17, 2024

Mister todas sa pananaksak ng kalugar sa Navotas

TODAS ang isang mister matapos pagsasaksakin ng kanyang kalugar sa Navotas City, kamakalawa ng umaga.

Dead on arrival sa Navotas City Hospital sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si alyas ‘Alfredo’, 45 ng A. Cruz St., Brgy., Tangos South.

Nakapiit naman ngayon sa detention cell ng Navotas police habang nahaharap sa kasong murder ang suspek na si alyas ‘Victor’, 43, fisherman at residente din sa nasabing lugar.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, dakong alas-9:10 ng umaga nang maganap ang pananaksak ng suspek sa biktima sa hindi malaman na dahilan sa kahabaan ng A. Cruz St, Brgy. Tangos South.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon dala ang ginamit na armas habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan subalit, hindi na rin ito umabot ng buhay.

Sa isinagawa namang follow-up operation ng mga tauhan ng Police Sub-Station 2 sa pangunguna ni P/Cpt. Edward Adriano ay agad namang naaresto ang suspek at nakuha sa kanya ang isang patalim na ginamit sa pananaksak.