May 3, 2024

Mister arestado sa pagbebenta ng baril sa Caloocan

SWAK sa kulungan ang isang mister matapos bentahan ng baril ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa buy bust operation sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Kinilala ang naarestong suspek na si Ronel Bartolome, 36, vendor ng Blk 9, Baseco Compd., Brgy. 649, Port Area, Manila.

Nabatid na dakong alas-8:50 ng umaga nang magsagawa ang mga awtoridad ng buy-bust operation laban sa suspek sa Lourdes St., Brgy. 28, Caloocan City.

Isang pulis na nagsilbi bilang poseur buyer ang nagawang makipagtransaksyon suspek ng P4,000 halaga ng baril at nang tanggapin ni Bartolome ang marked money mula sa undercover police kapalit ng isang cal. 38 revolver ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba.

Bukod sa nabiling baril na kargado ng dalawang bala, nakumpiska din sa suspek ang buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang 7-pirasong P500 boodle money, zesto box, t-shirt at cellphone.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act).