Isang trahedya ang bumungad sa Sitio Natad, Brgy. Mamuyao matapos aksidenteng mabaril at mapatay ng isang 23-anyos na magsasaka ang kanyang sariling live-in partner noong hapon ng Marso 28, 2026.
Kinilala ng Tanay Municipal Police Station ang biktima na si Weng, 20 anyos, habang agad namang naaresto ang suspek na kinilalang si Enrico, 23 anyos.
Base sa imbestigasyon, bandang alas-5:00 ng hapon noong Sabado habang naghahanda ang magkarelasyon na lumabas ng kanilang bahay upang manguha ng niyog.
Bitbit ng suspek ang isang improvised air gun na binago (modified) upang maging isang functional na .22 caliber firearm, na ginagamit umano nito sa pangangaso ng mga paniki.
Habang kinakalikot o hinahawakan ng suspek ang nasabing armas, bigla itong pumutok at tinamaan ang biktima.
Sa desperasyong maisalba ang buhay ng kinakasama, binuhat ng suspek ang biktima patungo sa bahay ng kanyang kapatid sa Brgy. Mamuyao Proper.
Binagtas ng suspek ang layong anim na kilometro o halos isang oras na paglalakad upang humingi ng tulong na maidala ang biktima sa pinakamalapit na ospital, ngunit sa kasamaang palad ay binawian din ito ng buhay.
Ang ama mismo ng suspek ang nag-ulat ng insidente sa Barangay Hall, na agad namang humingi ng tulong sa kapulisan.
Sa mabilis na operasyon ng Tanay MPS, naaresto ang suspek at narekober ang isang improvised .22 caliber firearm at isang fired cartridge case (basyo ng bala).
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at Violation of RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act)
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso sa piskalya.
