January 27, 2025

MGCQ SA BUONG PILIPINAS, KINONTRA (Ang taas ng transmission, wala pang bakuna – Robredo)


KINUWESTIYON ni Vice President Leni Robredo ngayong Linggo ang panukalang ilagay ang buong bansa sa maluwag na modified general community quarantine (MGCQ) sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

“Ano yung basis ng MGCQ? Wala naman problema kung mag-MGCQ kung may basehan tayo dun,” tanong ni Robredo sa kanyang weekly radio show na “BISErbisyong Leni” sa radio station DZXL.

“Pero pag tignan natin yung numero, yung numero ang taas pa rin ng transmission. Ang taas ng transmission, wala pa yung bakuna,” dagdag pa niya.

“Para sa akin, dapat yung energies natin, dapat nandun sa pag-kontrol ng transmission tsaka sa pag-provide ng bakuna. Hindi na sa kung anu-ano pa,” wika nito.

Una nang inirekomenda ni acting National Economic and Development Authority (Neda) Secretary Karl Kendrick Chua kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay ang buong bansa sa ilalim ng MGCQ sa Marso upang mapasigla ang higit pang economic activity.

Suportado ang panukala ng siyam sa 17 alkade sa Metro Manila, kasama na rito ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Sa gitna ng mga panukala, iniulat ng grupo ng OCTA Research na mayroong “pagtaas” ng mga kaso ng Covid-19 sa Metro Manila, na kilala bilang isa sa mga coronavirus hotspot ng bansa.

Ayon naman kay Palace spokesman Harry Roque na si Duterte ang magdedesisyon sa panukalang nationwide MGCQ sa Lunes o bago matapos ang buwan.