November 5, 2024

Mga tindahan sinuyod; P2-M multa, 15 taon kulong sa mga magtitinda ng overpriced face shield

SINUYOD ni Levi Facundo, head person ng Manila Bureau of Permits ang mga tindahan ng face shield sa Carriedo Sta. Cruz at Divisoria sa Binondo, Manila ngayong araw upang matiyak na nasusunod ang price control na ipinatupad ng Department of Trade and Industry.

Tumaas kasi ang demand ng face shield nang i-require ang mandatory na paggamit ng face shield sa mga pampulikong transportasyon at trabaho simula Agosto 15.

Matatandaan na inanunsyo ng DTI na kanilang papatawan ng hanggang P2-milyong multa ang mga nagtitinda ng non-medical grade face shield na susuway sa P26 hanggang P50 suggested retail price (SRP).

Maliban dito, maari ring makulong ng lima hanggang 15 taon dahil sa profiteering ang mga mapatutunayang mananamantala.

Paalala ni Facundo sa mga nagtitinda o mga magbabalak na magtinda ng face shield na huwag samantalahin ang nararanasang pandemya upang kumita ng malaki.

“Huwag samantalahin ang pandemya na kumita ng malaki just to take advantage lang po ‘yung situation. Ang ating kababayan ay hirap din po at ‘yung iba ay nawalan ng trabaho, huwag natin higitan ang itinakdang presyo ng DTI. Sana lang po ay ilagay natin sa tama, upang makanegosyo tayo ng maayos,” ani Facundo.