January 11, 2025

MGA SUPPORTER, PINATULOY NI PBBM SA PALASYO

Maagang pamasko ang hatid ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang mga supporters.

Sa official Facebook page ng Pangulo ibinahagi nito ang ilang larawan sa ginanap na meet at greet event.

Maagang regalo ang hatid sa atin ngayong Pasko nang ating makasama muli ang ilan sa ating mga taga-suporta ngayong araw,”  saad niya.


Pinasalamatan sila ni Marcos dahil sa kanilang patuloy na tiwala at kumpiyansa sa kanya.

Umaasa siya na sa tulong ng mga taong sumuporta sa kanyang presidential bid, matutupad ang kanyang panawagan na unity o pagkakaisa para sa mga Filipino.

 “Tayo ay lubos na nagpapasalamat sa walang sawa niyong pagmamahal, mula noon hanggang ngayon,” post ni Marcos.

 “Nawa’y patuloy kayong maging daan upang maikalat ang mensahe natin ng pagkakaisa at pagmamahal sa bayan para sa tuluy-tuloy nating pagbangon,” dagdag pa niya.

Kinilala rin nito ang kanilang mahalagang tungkulun para tulungan siya na makamit ang kanyang layunin na magdala ng progreso sa bansa at bigyan ang mga Filipino ng komportableng buhay.

Iginiit din niya na dapat kalimutan na ang mga kulay sa politika, dahil aniya mas mahalaga na tutukan ang pagtugon sa mahahalagang isyu na kinakaharap ng bansa.

 “Wala akong kaduda-duda. Dahil nakita ko na at napatunayan na ninyo sa akin at sa buong madla na talaga naman kayo ay nagmamahal sa Pilipinas at tuloy-tuloy ang magiging trabaho ninyo para pagandahin, para tulungan ang mga Pilipino, para tulungan ang pamahalaan na gawin ang mga kailangan gawin para ang Pilipinas ay masasabi natin ay binago natin at pinaganda natin,” saad ng Pangulo.  “Ngayon, ang pinaglalaban natin ay hindi kandidato, hindi partido, hindi para sa eleksyon pero ‘yung ating mga kailangang gawin para sa mga problemang hinaharap ninyo, natin lahat, ng buong Pilipinas,” dagdag ni Marcos.