
Suportado ng ilang senador ang hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawigin ang fuel subsidy program para sa mga sektor na maaapektuhan ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Si Senador Raffy Tulfo, chairman ng Senate Committee on Public Services, ay agad na umapela sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para tiyakin ang maayos at agarang distribusyon ng subsidiya sa mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan.
“Buong suporta ako sa plano ni Pangulong Marcos na palawigin ang fuel subsidy, lalo na sa mga PUV drivers na unang tatamaan ng taas-presyo,” pahayag ni Tulfo.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Michelle de Vera, inatasan ni Marcos ang DOTr, LTFRB, Department of Energy (DOE), at Department of the Interior and Local Government (DILG) na magpatupad ng fuel subsidy program kapag nagsimula na ang pagtaas ng presyo ng langis sa susunod na linggo.
Sakop ng naturang subsidiya ang modern PUV operators at drivers, traditional jeepney drivers, bus at Grab drivers, tricycle drivers at delivery riders.
Kinumpirma ni de Vera na may ₱2.5 bilyon nang pondong nakalaan sa ilalim ng 2025 national budget para sa transport sector, at na-certify na ng DOE ang pondo para ma-disburse ng LTFRB.
Samantala, tiniyak ni LTFRB Executive Director Loumer Bernabe na magsisimula na silang magproseso ng mga kwalipikadong benepisyaryo simula Lunes, Hunyo 23, oras na mailipat ng DOTr ang pondo.
Ipinaliwanag ni Bernabe na ang subsidiya ay ipapamahagi sa pamamagitan ng Pantawid Pasada Cards / fuel cards, bank-to-bank transfer, e-wallet transfer at over-the-counter sa LBP branches, kung kinakailangan.
Ngunit binalaan ni Tulfo ang mga ahensya: “Siguraduhin n’yong may malinaw at patas na guidelines. Ayokong marinig na may tsuper na tunay na nangangailangan pero hindi nakatanggap dahil sa palakasan.”
Nagpahayag din ng suporta si Senator Grace Poe sa programa, at hinimok ang agarang pamamahagi ng subsidiya.
“May ₱2.5 bilyon nang nakalaan para sa mga PUV drivers, taxi drivers, ride-hailing at delivery riders. Ang ₱585 milyon naman ay para sa mga magsasaka at mangingisdang tinamaan ng taas-presyo ng krudo,” ani Poe.
Dagdag pa niya, kailangang maging mabilis ang proseso:
“Dahil mabilis tumaas ang presyo ng langis, dapat mas mabilis din ang tulong ng gobyerno.”
More Stories
VAPESHOP SA ANTIPOLO HINOLDAP GAMIT ANG DOS-POR-DOS NA KAHOY
Ilang insidente, naitala sa Wattah Wattah Festival 2025 sa San Juan
Sarah Lahbati, nali-link sa anak ni House Speaker Romualdez