November 2, 2024

MGA PLAYERS NG PBA, ISASAILALIM SA SWAB TEST

Bilang pagtalima sa mahigpit na health protocols na ipinatutupad ng kinauukulan, sasailalim sa COVID-19 swab test ang lahat ng PBA players. Ito ay ipatutupad tatlong araw bago uli sumalang sa training. Sa gayun ay makatugon ang liga sa tuntunin ng IATF na “no test, no practice policy”

Bukod dito, kinakailangang sumailalim din sila sa testing kada 10 araw upang matiyak na hindi tamaan ng virus. Ang tungkol sa hakbang na ito ay napagkasunduan ng PBA Board sa nakaraan nilang pagpupulong; sa rekomendasyon ni Ginebra Gin Kings Governor Alfranchis Chua, kung saan isasagawa ang lahat ng testing sa laboratoryo ng San Miguel Corporation.

Pinayuhan din ang mga players na tumugon at sumunod sa ‘closed circuit method’ kung saan ay kinakailangang limitado ang lugar na dapat nilang puntahan. Pinahihintulutan lamang silang magtungo sa pook kung saan gagawin ang ensayo at pagkatapos nun ay kinakailangang umuwi na sila sa kanilang bahay.

Kaugnay dito, sasagutin naman ng team ang gastos sa pagpapagamot kung halimbawang may isang manlalaro ang nagpositibo sa virus.

 “Sasagutin ng teams lahat ng hospital expenses pag nagka-COVID ang players,” wika ni PBA Commissioner Willie Marcial.

 “Just like when the players get injured, so there’s no need for insurance,” ayon pa kay Marcial.