November 24, 2024

Mga panukala para labanan cyberattacks, ipasa nang mabilis – solon

NANAWAGAN si Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan sa kanyang kapwa mambabatas na agarang ipasa ang mga panukala para protektahan ang digital infrastructure ng bansa mula sa mga cyberattacks.

Kasunod ito ng inilabas na executive order ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang National Cybersecurity Plan (NCSP).

“The National Cybersecurity Plan adopted by the President, complemented by strengthening multilateral ties with our allies and passing pending bills in Congress that aim to transport our country safety into the digital era will help fortify our defenses against increasing cyberthreats and other intrusions,” sabi ni Yamsuan.

Pinuri rin ni Yamsuan ang ulat na pagtitibayin nina Marcos, Japanese Prime Minister Fumio Kishida, at US President Joe Biden ang isang joint cyberdefense framework sa kanilang pagharap sa trilateral summit sa Washington sa Abril 11.

Si Yamsuan ang isa sa mga may-akda ng House Bill 8199 na naglalayong pagtibayin ng implementasyon ng NCSP—isang whole-of-nation roadmap na magpapalakas sa seguridad ng cyberspace ng bansa.

Bagamat mayroon umanong kanya-kanyang cybersecurity mechanism ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, sinabi ni Yamsuan na makabubuti kung magkakaroon ng unified system at minimum security standards para sa mga ito.

Ayon sa National Computer Emergency Response Team (NCERT) naka-monitor ito ng 57,400 cybersecurity threats mula 2021 hanggang Pebrero 2023. Sa naturang bilang 3,470 insidente ang natugunan ng NCERT.

Ang tatlong pangunahing cybersecurity incident sa bansa ay malware (48.9%); data leakage (12.5%); at compromised websites (12.4 %), ayon sa datos ng NCERT.