January 22, 2025

Mga leader ng bansa dapat mahiya sa mga Pilipino, walang tigil sa bangayan!

TILA wala ng kahihiyan at respeto sa sambayanang Pilipino ang mga leader ng bansa. Sa dami ng problema patuloy ang mga ito sa pagbabangayan, hindi atupagin ang mga malalaking problema ng bansa.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila tumitigil sa mga patutsadahan. Nakakalungkot isipin, mga Cabalen, na nag-aaway at hindi nagkakasundo ang mga lider ng bansa dahil sa pulitika. Dahil sa pansariling kapakanan walang tigil sa pagbabatuhan ng putik ang bawat isa. Kawawa naman ang sambayanang Pilipino sa ginagawa ng mga iniluklok natin sa puwesto.

Itong si Vice President Sara Duterte, pinahihingi ng tawad si Presidente Marcos at mga kaalyado nito. Hindi ba sila nahihiya sa sambayanang Filipino na nagluluklok sa kanila? Dapat sa mamamayan sila humingi ng pasensiya dahil sa mga pinagagawa nila at hindi sa kanya, di po ba, mga Cabalen? Tila tayo ay labis na binabalewala na ng mga leader na ibinoto natin. Walang mahalaga sa kanila kundi ang kanilang pansariling interes.

Ang tanong nating mga simpleng tao, nasaan na kaya ang mga nagpuntahan sa Naga City, para makipagkita kay VP Leni Robredo bago rumagasa ang bagyong Kristine? Aba mga your honor, ngayon po kayo kailangan mga Nagayenos. Kailangang-kailangan ng mga Bicolano’s ang inyong tulong. Siguro po ang mga your honor’s dapat lamang kumilos para matulungan mga pobre ninyong kababayan.

Unahin na lamang muna ninyo House Speaker Martin Romualdez ang problema ng bansa. Tigilan muna sana ninyo  ang pag-iinteres sa puwesto at kaban ng bayan. Sabihan mo na rin si Your Honor Rep. Stella “luxury” Quimbo. Baka maaaring huminto muna siya ng kanyang pamimili ng luxury items at mamudmod muna ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Kristine.

Maawa naman sana at mahiya ang mga gahamang pulitiko, mga pinuno ng bansang ito sa mga Pilipino. Dahil sa pag-iinteres sa posisyon eh nakakalimutan na sila ay ibinoto hindi para magbangayan at bihisan ang sarili ng mamahaling kasuotan mula ulo hanggang paa kundi tugunan ang pangangailangan ng mahihirap nating mga kababayan.

Ang mga inaasahang lider na magtatanggol at mag-aalaga sa ating mga Pilipino ang siya pang nangunguna sa kaguluhan sa bansang ito.

Matuto na sana tayo, mga Cabalen. Hindi na po biro ang pinagdadaanan nating hirap na mamanahin pa ng ating kaapu-apuhan.