November 16, 2024

MGA KASO NI QUIBOLOY SA DAVAO ILILIPAT SA QC

PINAGBIGYAN ng Supreme Court ang kahilingan ng Department of Justice na ilipat ang sexual abuse case laban kay Kingdom of Jesus Christ (KJC) founder Apollo Quiboloy mula sa korte sa Davao City sa Quezon City.

Kinasuhan si Quiboloy at maraming iba pa ng paglabag sa Republic Act 7610 or the Anti-Child Abuse Law, partikular sa probisyon sa sexual abuse of minors at pagmamaltrato.

Sila rin ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking sa korte sa Pasig City.

Sinabi ng SC sa inilabas na administrative order ngayong araw na ito na may nakitang mabigat na mga dahilan para bigyang katuwiran ang paglipat ng venue dahil ang mga kaso ay maituturing na public interest, dahil ang akusado, na kilalang religious leader ay may malawak na impluwensiya sa lugar.

Nais ng DOJ na mailipat ang paglilitis para sa proteksion ng mga biktima, mga kamag-anak, at maging mga testigo.