November 5, 2024

MGA JOBLESS PINOY, LOLOBO PA DAHIL SA ECQ

INIMUNGKAHI ng Department of Labor and Employment kay Pangulong Rodrigo Duterte na kung maari ay babaan na ang quarantine status.

Ito’y dahil sa pangambang marami ang mawalan ng trabaho dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang bahagi ng bansa.

Inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na noong unang linggo ng ECQ ay mahigit 8,300 manggagawa ang naapektuhan ang trabaho sa NCR plus bubble.

Aniya, maari pa itong madagdagan kung palalawigin pa ang ECQ sa mga naturang lugar.

Pero paglilinaw ni Bello, ang desisyon pa rin ng pangulo ang masusunod.

Ipinaalala rin ni Bello sa mga employer na dapat ibigay sa kanilang mga empleyado na nawalan ng trabaho ang separation pay nito gayundin ang kanilang hindi nagamit na leave credits.

Samantala, sinimulan na ng DOLE ang pagbibigay ng P5,000 cash assistance sa mga nawalan ng trabaho.