NAGBANTA ang ilang drivers na susunugin nila ang kanilang pinapasadang jeep bilang protesta kung magpapatuloy ang kanilang tigil-operasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Efren de Luna, national president ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), pangamba nilang ipapa-phase out ng gobyerno ang pamamasada ng mga tradisyunal na jeep, na natigil na nang 3 buwan sa gitna ng pandemya at quarantine measures na ipinapatupad ng gobyerno.
“Talagang sinabi natin ‘yan [na susunugin na lang namin ang aming mga jeep]. Huling hirit naman iyon, kung patuloy na babalewalain ang mga traditional jeepney, ibabalagbag namin ito sa gitna ng kalsada,” ayon kay De Luna.
“Okay lang naman na kami ang mahuli [na payagan bumiyahe], basta bigyan kami ng pagkakataon na kami ay makalabas [para sa byahe]. Pero pinaiikot-ikot kami. Ang sabi kung kulang ang sasakayan, ang serbisyo namin ang susuporta, pero lahat ng ruta ng jeep na tinatakbuhan na namin, nilalagyan na nila ng bus at modern jeep. Ano pang mangyayari sa amin? May inaantay ba kami? Binobola lang kami,” dagdag niya.
Una ng sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, na hindi pinapayagan ang mga jeep na makabiyahe sa kalye dahil puwedeng magkahawaan ang mga pasahero ng COVID-19.
Sa kabilang banda, sinabi ni Health Undersecretary Rosario Vergeire, na ang mga indibidwal ay maaring makaligtas sa COVID-19 hangga’t may suot silang face mask at napapanatili ang distansiya mula sa ibang tao kung nakasakay sa isang sasakyan kahit na ito ay air-conditioned o open air.
Ang tradisyunal jeepney ay open air vehicles, habang ang mga modern PUVs at mga bus ay air-conditioned.
Ilang jeepney driver din ang nakitang namamalimos ng tulong sa mga kalsada, habang ang pamilya ng mga tsuper ay napipilitang matulog sa mga jeep dahil sa kawalan ng pangmabayad ng upa sa bahay.
Dahil sa sitwasyon, ipinangako ni De Luna sa mga jeepney driver na sila ay makikipaglaban para lamang mabuhay.
“Wala na kaming pupuntahan pa, ipe-phase out na kami. Gawin naming private vehicle? Hindi naman papasa iyan,” ani ni De Luna.
“Kaya may binabalak kaming pagkilos. Ipapakita namin na mahalaga pa rin kami sa lipunan at hindi dapat balewalain ng gobyerno ang traditional jeepneys,” dagdag pa niya.
(AGILA NEWS TEAM)
More Stories
1ST SOUTHEAST ASIA SUDOKWAN C’SHIP IHU-HÒST NG PILIPINAS
US MAGBIBIGAY NG $1-M PARA SA PEPITO VICTIMS
3 SOKOR FUGITIVES NASUKOL NG BI